Showing posts with label Taong-Grasa. Show all posts
Showing posts with label Taong-Grasa. Show all posts

Monday, January 7, 2013

Literal na Taong-Grasa.

Palagi na lang kasing hinahanapan kung ano ang mga pwedeng ibig sabihin kapag tinawag ang isang tao na "Taong-Grasa"... andyan yung siya'y gahaman, adik, manyak, makapal ang mukha, dorobo, epal, smuggler, pedophile, ipokrito, plunderer, mamamatay-tao, mamamatay-hayop, atbp.

Pero pwede namang literal, di ba?

Tulad niya... isang Happy na Taong-Grasa

Happy New Year y Muchas Grasas a todos! 


Tuesday, October 30, 2012

Taong-Grasa ma'y nangangarap din.

Mahirap talaga ang buhay nowadays... at parang mas pahirap pa ito ng pahirap as the years go by. Tuloy, parang mas mahirap na ang mangarap ngayon... alam mo kasi na mas matinding pagpupursigi ang kakailanganin bago ka maka-angat sa buhay.

Pero, all the same, hindi pa rin bawal ang mangarap, tama?! Kahit sa isang hamak na taong-grasang tulad ko...

Haaays... ang lambot ng sopa... :-)


Friday, April 1, 2011

Kunsintidorang Ina -- Ugaling Taong-Grasa!

Nakaka-bilib talaga ang devotion na ipinapakita ng isang Ina sa kanyang anak. Truly it is one of the most beautiful phenomenon around.

PERO (shempre may "pero")... huwag naman yung sobra-sobrang devotion na parang bulag na sa katotohanan. Abuso na yon. Ugaling Taong-Grasa na yun! At para dun sa Nanay, she's already being remiss in her duty to guide her child towards the right path.

Example? MARLENE AGUILAR, ang windang na Nanay ni Jason Ivler.

'Nuff said.

Wednesday, March 2, 2011

Propesor na ugaling Taong-Grasa!

Biglang sumikat itong si Prof. Aguedo Jalin ng UST Department of Theology nang nabuking na inudyukan niyang mag-post ng Anti-RH comments ang mga estudyante niya sa apat na klase sa official facebook page ng Akbayan Party-list.

Ayon mismo sa mga estudyante (na pumiyok din sa huli), may "bonus points" daw na katumbas ang kanilang pagpo-post -- kaya pala lahat ng estudyanteng nag-post ay kumpleto ang pangalan, class number at section! Para nga naman print-page lang at submit... bonus grade agad!

Sigurista si Prof!

Pero heto ang malupit... ayon sa isang post ng isang former student niya (na hindi nagpakilala kasi takot kay Prof), dati daw ay binigyan niya ng assignment ang kanilang klase na maging "Taong-Grasa for a day," ostensibly para maramdaman ng mga estudyante kung ano ang pakiramdam ng maging isang Taong-Grasa.

Ang Galing Ano?!

Asteeg ka, Prof. Jalin!

I proclaim you Honorary Taong-Grasa par excellence :-)

Tuesday, January 25, 2011

Taong-Grasa man siya, Sossy pa din.

Lingid sa kaalaman ng karamihan, hindi iisa ang itsura ng mga Taong-Grasa. May ilan sa kanila (ilan lang naman) na may kakaibang "quirk", ika nga. Nagtataglay ng mga kaugalian at prinsipyo na sa unang tingin ay saliwa sa imahe natin ng isang Taong-Grasa.

Pero ano b'ang paki natin, di ba? Malaya silang gawin ang anumang gusto nilang gawin! Kaya nga Taong-Grasa eh.

Kaya huwag tayong mabibigla kung may makakatagpo tayong Taong-Grasa na gainfully employed... o isang successful na entrepreneur... o tapos sa kolehiyo... o nasa pulitika...

Basta. You get the point.

Siya kaya yung may-ari ng Blog na 'to? 
:-)

Wednesday, January 5, 2011

Taong-Grasa with the Golden Voice!


Moral of the Story? Kahit masira ng Droga at Alkohol ang buhay mo... gaganda naman ang Boses mo! :-)

NOTE: May happy ending na ang kwentong ito.

Tuesday, December 14, 2010

Dumating na ang Panahon! Unleash your inner Taong-Grasa!

Mga kapatid sa kagrasahan, the time is finally upon us!

Nagsalita na ang mga Henyong pakalat-kalat d'yan sa gilid-gilid -- everything is in place na daw. The bases are loaded already, ani nila. The Golden "An" is in the Tan Van... kaya kailangan na itong kalusin!

Tang-ina... expired na yata yung grasang sininghot ng mga loko.

Pero wala ngang duda... lumabas na ang senyales na matagal nang hinihintay ng mga Taong-Grasa sa Pilipinas!

Ang palatandaan na naghuhudyat sa papalapit na pagka-windang ng mundo!!

Ang go-signal para simulan na ng lahat na mag-pahid ng grasa sa katawan... magsuot ng gula-gulanit na damit... kumain mula sa basurahan... gumala sa kalsada ng wala namang pupuntahan... makipag-kwentuhan sa mga aliens... maghubad sa gitna ng mataong intersection... in short, ang maging tunay na malaya.

Kaya simulan na ang transformation! Pagkat...

LUMAYA NA SI HUBERT WEBB! 

Wednesday, December 8, 2010

An Honest Taong-Grasa. Weeweeet!

Sabi ni Alexander Pope (English poet & satirist: 1688-1744), An honest man is the noblest work of God.


Ahwalawalawalaa! Panis! Wala akong tiwala sa "honest man." The phrase itself is an oxymoron. 


I'll take an Honest Taong-Grasa over an "honest man" anytime. :-)







Wednesday, September 29, 2010

Taong-Grasa op da week!



Mang Tony “Catatonic” Canuplin

Minsan mahirap ipaliwanag kung ano ang nagtutulak sa isang akala mo'y normal na tao upang maging isang Taong-Grasa.

Gaya nitong si Mang Tony, halimbawa.

Matagal nang naglilingkod bilang kargador ng sopdrinks si Mang Tony sa isang maliit na groseri… dito na siya tumanda. Nagsimula siya sa trabahong ito nung edad 14 kung saan case-case na Coke Solo ang sinasalansan niya sa kanyang kariton… ngayong 46 na siya ay Coke Litro na ang asaynment niya. May career advancement, di ba?

Pero isang araw, bigla na lang niyang naisip na yakapin na ng tuluyan ang bokasyon na maging isang ganap na Taong-Grasa… kaya isa-isa niyang nilagok ang mga Coke Litro na naka-karga sa kanyang kariton… at nang maubos ang huling bote ay dumighay siya ng pagkalakas-lakas at sabay higa…

Buhay pa po si Mang Tony pero makikita sa ngiti niya na kuntento na siyang manatili sa posisyong ito habang-buhay. Si Mang Tony Canuplin… ang ating Taong-Grasa Number 2

Sunday, August 29, 2010

Top-Ten na gamit ng Taong-Grasa sa lumang Dental Floss

Isa sa mga kadalasang napupulot ng mga taong-grasa (lalo kung nagagawi sila malapit sa mga sosyal na communities tulad ng Forbes, Valle Verde at Bgy. Pinyahan) ay mga lumang dental products tulad ng gasgas na tutbras, yuping tubo ng tutpeyst, durog na bote ng mouthwash, at hibla-hiblang gamit nang dental floss.


Obvious naman kung anong gamit ang mahahanap nila sa naunang tatlong bagay, pero para sa lumang dental floss? Hmmm… wag pong ismolin ang creativity ng ating mga kapatid… may gamit pa din ang lumang dental floss!

  1. Palamuti sa katawan: pwedeng gawing necklace, bracelet o panali ng buhok ang mga gamit na dental floss… lalo kung pagsasama-samahin o paghahalu-haluin yung magkakaibang kulay… rastang-rasta ang dating! Pwede ring hair-extensions ito….Jolina Grasa ang labas mo!

  1. Pantahi sa sugat: kung napapaaway ang mga ka-tropang taong-grasa sa ibang tribong kalye at sila’y minalas na nasugatan, pwedeng gamiting pantahi ng sugat ang mga napulot na lumang dental floss… ibang usapin na kung ano ang gagamitin nila bilang karayom.

  1. Pantahi sa tastas na damit: pero bihira lang itong mangyari dahil una, bihira sa mga taong-grasa ang may karayom at, pangalawa, bihira sa mga taong-grasa ang may damit… at kung sakaling may tastas man ang damit ay hindi nila ito aayusin kasi kasama ito sa kanilang “Pretty/Pogi Grasa Points”

  1. Pang-silo ng mga ligaw na hayop sa kalye: opo, nagagamit ng taong-grasa ang lumang dental floss sa pag-hunting ng kanilang paboritong wild “city animals” tulad ng pusakal (pusang kalye) at dagang estero… wag lang nilang subukang siluin ang mga buhay na tosino (askal na matindi na ang galis) at baka mapagti ang dental floss.

  1. Pamingwit ng mga isdang kanal: kung sawa na ang taong-grasa sa kaning pulot at pagpag na manok at minamalas naman siya at walang mahuling hayop-kalye, pwede siyang mamingwit ng isda sa mga estero at kanal ng syudad… dental floss ang saktong gamitin para dito… at di na nila kailangan ng pamain kasi built-in na ito sa dental floss… sima na lang ang kailangan nilang iskorin.

  1. Pang-aliw sa sarili: pwedeng gamitin ang lumang dental floss sa pagpapalipad ng saranggola… pero matagal-tagal ang pag-iipon ng lumang dental floss para makabuo ng mahabang tali… kung hindi’y boka-boka lang mapapalipad mo, hingi guryon. Pwede ring itali sa laruang kotse-kotse ang lumang dental floss para mahatak mo ito sa iyong paglalakbay sa lansangan…

  1. Pang-likha ng musika: konting lata… konting sanga… konting gamit na dental floss (na magkakaiba ng taba para magkakaiba din ang tunog)… konting pukpok… konting tali… AYUS!!! Meron ka nang musical instrument na kung tawagin ay “Ukelikele” (Ukelele na amoy kili-kili)

  1. Pang-bigkis, panali ng kung anu-anong bagay: bagay na gamitin ang lumang dental floss na panali ng garbage bag o anumang plastik na nilalagyan ng taong-grasa ng kanyang mga napulot sa kalsada. Pwede rin itong pang-reinforce sa mga kariton kung sakaling medyo gume-gewang na sa katandaan…

  1. Pang-tali sa alagang aso, pusa, o daga: sanay mang mag-isa ang taong-grasa, minsan ay may mga alaga rin silang hayop. Bagay na bagay ang lumang dental floss na panali ng askal, pusakal at esdag (estero-daga) na gusto nilang alagaan. Yan ay kung hindi nila trip chibugin yung animal…

  1. Pang-linis ng Ngipin: obvious ba? Dental Floss nga e! Shempre, pwede pa din siyang gamiting pang-floss ng ipen! At mas maswerte nga ang mga taong-grasa kasi di lang dalawa (mentol o original) ang flavor ng Dental Floss nila, depende ito sa kung anong kinain nung huling gumamit. Kaya pwedeng adobo flavor, dinuguan flavor, binagoongan flavor, atbp! Tsalaaaap… penge ngang kanin! J

Tuesday, August 17, 2010

Taong-Grasa op da week!


SPO1 John “Onyok” Dayukdok


Dating masigasig na alagad ng batas itong si SPO1 John… maagang pumapasok sa presinto, hindi nango-ngotong, hindi mahilig mag-birhaws.

Nguni’t isang araw ay bigla na lang siyang bumigay… hindi nakayanan ang kontradiksyong dulot ng kanyang pagiging bahagi ng isang alang-kwentang institusyon… ayan tuloy, biglang naghubad ng uniporme ang pobre, tumayo sa harap ng kanyang mobil at nilabas ang lahat ng kanyang sama ng loob habang sumisigaw ng “AYOKO NA DITOOO!!!…. UWI-WEE NA LANG AKOOOO!!!!

Huli siyang namataang naglalakad sa may West Avenue hatak-hatak ang plate number ng isang kotse.

Mga kasama, si SPO1 John – Taong-Grasa Number 1.

Thursday, August 12, 2010

Ang Sampung Batas ng Taong-Grasa



Kahit simpleng Taong-Grasa ay may paninindigan din. Meron siyang pinanghahawakang mga paniniwala na hinding-hindi niya bibitawan kahit ano pa ang mangyari (pwera na lang kung mawalan siya ng malay dahil sa sobrang gutom).

1. Ang Taong-Grasa ay Minimalist: miminal siya kung manamit, minimal kung kumain, minimal kung magsalita, minimal kung maligo… minsan wala pa nga e.

2. Ang Taong-Grasa ay Environment-Friendly: siya ang ultimate “recycler.” Lahat ng bagay, kahit mga basura na ibinasura na ng mga magbabasura, ay may gamit pa rin sa kanya.

3. Ang Taong-Grasa ay Hindi Sexist: Taong-Grasa ka na nga, magiging sexist ka pa? Lupet mo naman, tol… at walang concept ng Sex for Procreation ang taong-grasa sapagkat sila ay nagmu-multiply sa pamamagitan ng asexual means – economic ang rason ng pagdami ng mga taong grasa…

4. Ang Taong-Grasa ay Madaling Kausap: kita nyo naman, kahit walang kausap ang taong-grasa e may kausap pa din siya, di ba?

5. Ang Taong-Grasa ay Self-Contained: lahat ng kailangan niya para mabuhay sa mundong ibabaw ay dala niya – minsan nasa plastic bag, minsan nasa kariton, minsan nasa buhok niya, minsan nasa balat niya, minsan nasa utak niya…

6. Ang Taong-Grasa ay Economically-Independent: siyempre, dahil wala siyang pera, hindi siya alipin ng sistema ng ekonomiya. Hindi siya consumer… hindi rin siya producer… siya ay purely participant-observer.

7. Ang Taong-Grasa ay Spiritual: lagi siyang naka-konek sa “katotohanan”, nasa ibang level, ika nga. Sa ibang relihiyon, ang tawag dito ay “being in a state of grace.” Sa atin, ang tawag dito ay “being in a state of grease.”

8. Ang Taong-Grasa ay Freedom-Loving: lahat ng “Free” ay hangad niya – libreng pagkain, libreng tirahan, libreng higaan… Kalayaan ang nais niya… pero kung ma-trapik dun e pwede na rin sa Aurora Blvd…

9. Ang Taong-Grasa ay Hindi Racist: wala siyang kinabibilangang anumang Rasa… meron lang siyang Grasa…

10. Ang Taong-Grasa ay Hindi Naniniwala sa Kapwa Taong-Grasa: naman… kelangang pa bang i-memorays yan? Alam mo namang may sabit ka e maniniwala ka pa sa kapwa mo? Unless hindi mo alam na may sabit ka… o hindi mo alam na may sabit yung kausap mo… o pareho kayong may sabit pero dahil dun e pareho ninyong hindi alam na may sabit kayong pareho kaya lahat ng sinasabi ninyong dalawa ay kapwa ninyong pinaniniwalaan…

araay… sumakit ulo ko dun a.